Kwaho: Ang Buhay ay Isang Sugal

Sunday, October 31, 2004

Pagsusumamo sa Araw ng Pasko

Pagsusumamo sa Araw ng Pasko, kreyzblue, Oct. 27



Oktubre palang ngunit ang simoy

ng hangi'y nagpapa-alalang

malapit ka nang dumating,

nagsisimula nang magningning ang

mga bintana at mga gusali

mga aninong ‘sing kintab ng palara



kahit ang araw ng undas ay

hindi na kasing lungkot ng dati,

mga tindaha’y nanliligaw sa saliw

ng mapag-balatkayong diskwento

sa unang tingin maganda, ngunit

sa kaibutura'y walang laman




binibilang ang araw hanggang

kaya nang bilangin ng daliri ang

mga oras ng iyong pagsapit

ang mga awiting hinog man sa pilit

ay lumulutang sa himpapawid

na pinababango ng mga usok

ng kahapon, ng mga pangyayaring

dapat sana’y masaya,



dahil dapat lahat masaya sa iyong

pagsapit, bakit? Upang lalo kong

maramdaman ang lamig ng

pag-iisa, ang matutunan ang

lihim ng ligaya sa t’wing ako’y

namamalimos ng kaunting

pagtingin sa isang hapag na hindi

naman sa akin, ang humiram

ng kumot sa bukas palad na

magbibigay nito.



Narito ako, sa isang sulok ng

kawalan, walang kusing,

walang na ring daliri

at kayanin mang pigilan

ang kamay ng oras sa kanyang

pag-ikot, hindi ko na mababago

ang sumpang itnakda sa araw ng

pagdating mo.